Sunday, August 18, 2013

Bisyo

'Wag mo akong alukin ng beer
Para patayin ang simbuyong pumapaso sa 'king dila,

        Pagkat ang kanyang hininga lamang
                ang makalilipol sa apoy ng pangungulila.

'Wag mo akong pahithitin ng sansupot ng marijuana
Para madarang ang kanyang gunita sa 'king alaala.

        Pagkat saulado na siya ng aking limang pandama
                pati kaluluwa.

'Wag mo akong yayain na makipagtalik sa iba’t ibang lalaki
Para patahanin ang pag-uha ng aking mga matang
Di makatulog sa gabi ng walang katabi.

        Pagkat bisig niya lamang ang may kayang kumuyom
                sa daga ng gabi sa dibdib.

Bagkus,

        Hayaan mo akong matutong nguyain ang apoy
                na sumusunog sa aking bibig.

        Hayaan mo akong matutong maglakad katabi at hawak-hawak
                ang buhay niyang diwa sa dibdib.

        Hayaan mo akong matutong mag-isang dumilat
                sa kawalan ng karimlan.

        Hayaan mo akong kunin sa kanyang kamay ang aking pagkatao,
                at muli itong ibalik sa palad na buo.



26 Disyembre 2007